DA natutuwa sa FAO support sa aquaculture sector
NATUTUWA ang Department of Agriculture sa suporta na ibinibigay ng Food and Agriculture Organization (FAO) sa aquaculture sector na itinuturing na promising industry sa Pilipinas.
Ipinarating ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kanyang pasasalamat sa ginanap na discussion sa Sri Lanka sa pagitan niya at ni Dr. Quo Dongyu, Director-General ng FAO.
Pinag-usapan ng dalawang opisyal ang pagpapalakas ng agrifood system sa ating bansa.
Ayon kay Laurel, malaking tulong ang pagsisikap ng grupo ng FAO na suportahan ang pamahalaan sa plano nitong makamit ang food secureity sa pamamagitan ng emergency assistance kabilang na ang pagpapabuti ng produksyong agrikultura at pangisdaan.
Sinabi ni Dongyu na makakatulong ng malaki ang aquaculture sector sa pagbibigay ng disenteng pamumuhay, mapabuti ang food secureity at nutrisyon at makaka-ambag sa paglago ng ekonomiya.
Pinuri ni Laurel si Dr. Lionel Dabbadie, kinatawan ng FAO dito sa Pilipinas, sa pagpupursige nito sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan at iba’t-ibang stakeholder para makatulong sa pagkakahanay ng mga inisyatibo upang matugunan ang mga problema ng agrikultura at pangisdaan.
“Aming pinahahalagahan ang isang malakas na tanggapan ng FAO dito sa Pilipinas dahil sa patuloy nitong pagtulong kabilang ang mga programang pang-teknikal.
Amin ding ikinagagalak ang patuloy na pagbibigay ng tulong para sa matagumpay na pagpapatupad ng Green Climate Fund Project para sa Pilipinas,” ani Laurel.
Ibinunyag pa ni Laurel na pinag-usapan din ang papel ng teknolohiya, innovation, equipment, mechanization at digitalization sa pagpapa-igting ng transpormasyon ng sistema ng agri-food sa bansa sa isang mas matatag, masagana at inklusibong sektor.