Gloria Romero pumanaw sa edad na 91
PUMANAW na ang movie queen na si Gloria Romero (real name: Gloria Galla) ngayong Sabado, January 25, sa edad na 91.
Ang malungkot na balita ay unang ibinahagi ng dating “That’s Entertainment” mainstay/actress na si Lovely Rivero sa kanyang Facebook account at kinumpirma naman ng anak ng aktres na si Maritess Gutierrez.
Ani Lovely, “Rest well, our Movie Queen. Tita GLORIA ROMERO. Praying for the repose of your soul & for strength for @chefmgutierrez, Chris & the whole family during this very difficult time.”
Si Gloria, mas kilala bilang “Tita Glo” sa showbiz, ay ipinanganak noong December 16, 1933 sa Denver, Colorado sa Pinoy na amang si Pedro Galla at Amerikanang ina na si Mary Borrego.
Nagtapos siya ng elementarya sa Mabini Elementary School at high school sa Riverview High School sa Mabini, Pangasinan.
Bata pa lang ay mahilig na siyang bumisita sa set ng mga pelikula ng Sampaguita Pictures, kung saan ang tumatayong chief editor noon ay ang tiyuhin niyang si Nario Rosales.
Sa Sampaguita rin siya nagsimula bilang ekstra sa ilang pelikula bago nabigyan ng break sa “Kasintahan sa Pangarap” noong 1951 kasama sina Pancho Magalona at Tita Duran.
Nasundan ito ng ilan pang mga pelikula tulad ng “Bernardo Carpio,” “Dugong Bughaw,” “Ramon Selga,” “Madame X” at “Palasig,” katambal ang noo’y heartthrob na si Cesar Ramirez.
Ang kauna-unahan naman niyang lead role ay sa “Monghita” noong 1952 kasama si Oscar Moreno.
Ang iba pang mga pelikulang pinagbidahan ni Tito Glo ay ang “Dalagang Ilocana,” na nagbigay sa kanya ng FAMAS Best Actress award, “May Umaga Pang Darating,” “Apat na Taga (1953),” “Recuerdo,” “Musikong Bumbong,” “Tanging Yaman,” “Magnifico” at marami pang iba.
Naging sikat silang loveteam ni Luis Gonzales, na nakasama niya sa “Pilya” “Teresa” at mahigit dalawampu pang mga pelikula.
Tumatak din ang pagganap ni Tita Glo bilang Tita Minerva sa long-running sitcom na “Palibhasa Lalake” kasama sina Richard Gomez, Joey Marquez at John Estrada noong dekada ’90.
Bago na-sideline noong pandemic year 2020, pinangunahan niya ang weekly fantaseryeng “Daig Kayo ng Lola Ko” sa GMA-7.
Nagwagi rin siyang Best Actress sa International Film Festival Manhattan at Metro Manila Film Festival para sa kanyang pagganap sa 2018 movie na “Rainbow’s Sunset” kasama ang yumao na ring veteran actor na si Eddie Garcia.
Hiwalay si Tita Glo sa mister na si Juancho Gutierrez. Ang apo niya kay Maritess na si Chris ay kabilang sa ABS-CBN Star Magic Batch 13.
Ayon sa pamilya, sa Arlington Memorial Chapels gagawin ang wake ng movie icon.
Nakikiramay po ang People’s Tonight sa mga naulila ni Tita Glo.