Panahong Heian

(Idinirekta mula sa Heian)

Ang Panahong Heian ang pinakahuling bahagi ng klasikong Kasaysayan ng Hapon na nagsimula sa taong 794 haggang sa taong 1159. Sinasabing pinakarurok ng Korte ng Imperyong Hapones ang panahong ito at maraming mga magagaling na panulaan at panitikan ang nabuo dito. Sa panahon ding ito isinulat ang pambansang awit ng mga Hapones ang Kimi ga Yo (o Mamuno ka Nawa Magpakailanman) Ang ibig sabihin ng Heian sa salitang Hapon ay “Kapayapaan”.

Maraming Hapones ang tumitingin ng may paghanga sa Panahong Heian dahil ito ang pinakarurok ng kanilang kultura. Maliban sa panitikan dito din nabuo sa panahong ito umusbong ang uring Samurai na sa pagdating ng panahon ay magdodomina at magsisimula ng panahong pyudal sa kasaysayan ng Hapon.

Kasaysayan

baguhin

Sinundan ng Panahong Heian ang Panahong Nara. Nagsimula ang panahong ito noong taong 794 ng ilipat ng ika-50 Emperador ng Hapon na si Yamabe o mas kilala bilang Emperador Kammu ang kanyang kapitolyo sa Heiankyo (na ngayo’y Kyoto) mula sa lumang Kapitolyo ng Nara na halos 26 na kilometro ang layo.

Ang mga Emperador sa panahong ito ang maituturing na pinuno. Pero ang tunay na kapangyarihan ay nasa kamay ng mga angkang Fujiwara, maituturing na isang maharlikang pamilya. Para maprotektahan ang kanilang mga interes sa mga malalayong lalawigan, nangailangan sila ng mga gwardiya, mga pulis at mga sundalo na siyang unti-unting kinilala bilang mga uring mandirigma.

Dalawang daang taong makalipas na maitatag ang kapitolyo sa Heiankyo, nagsimula ng lumakas ang mga uring mandirigmang ito. Noong taong 939, naging malaking banta sa kapangyarihan ng pamahalaan si Taira no Masakado na pamunuan niya ang isang pag-aaklas sa Hitachi, isang lalawigan sa silangan. At halos magkasabay sa panahong ito, si Fujiwara no Sumitomo naman ay nag-aklas sa bandang kanluran. Pero aabot pa ng isang daang taon bago magkaroon na tunay na lakas ang mga uring militar para agawin ang kapangyarihan sa pamahalaan.

Nagkaroon ng impluwensiya ang mga uring militar sa korte ng imperyo ng magsimula ang Kaguluhang Hogen. Sa panahong ito, binuhay ni Taira Kiyomori ang mga pinaggagawa ng angkang Fujiwara sa pagluluklok kanilang mga kaanak sa Trono ng Krisantemo tapos sila ang tatayo na regent o pansamantalang pinuno o kahaliling pinuno. Ang kanilang angkan ay mapapalayas ng magkaroon ng Digmaang Genpei na siyang pinag-ugatan ng mga pamumuno ng mga sugun na pagsisimulan ng Panahong Kamakura.

Rehensiya ng Fujiwara

baguhin

Sa panahong Heian lumaganap sa buong Hapon ang Budismo. Dalawang malalaking sekta ng Budismo ang nanaig dito, ang Tendai at ang Shingon. Nagsimula ang Tendai sa Tsina at nakabatay ito sa Lotus Sutra, isa sa pinakamahalagang sutra ng Budismong Mahayana. Ang Shingon naman ay isang lokal na sekta na medyo malapit sa orihinal na Budismo ng mga taga-India, taga-Tibet at ilang mga kaisipang Budistang nakabase sa Tsina. Ang Shingon ay binuo ni Kukai o tinatawag ding Kobo Daishi.

Ang mga sumunod na Emperador pagkamatay ni Yamabe (Emperador Kammu) pati na din ang mga karaniwang Hapones, ay lubhang napahanga ni Kukai hindi lamang sa kanyang pagiging banal kundi pati na din sa kanyang mga tula, kaligrapiya (pagsusulat sa wikang Tsino), mga larawang ipininta pati na rin sa kanyang mga nililok.

Malaking patrono ng sektang Tendai si Emperador Kammu na siyang naging dahilan para lumakas pa itong sekta sa mga susunod na mga dantaon. Naging matindi ang ugnayan sa pagitan ng napakalaking monasteryo ng sektang Tendai sa Bundok Hiei at ng Korte ng Imperyo na nasa paanan lamang ng bundok na ito. Kung kaya’t napakalaki ng paggalang ng sektang Tendai sa Emperador at sa buong bansang Hapon.

Sa panahong Heian din—yun nga lang sa huling bahagi nito—namukadkad ang Jodo Shinsu (Tunay at Dalisay na Lupa), isa pang sekta ng Budismo na itinatag ng isang dating monghe ng sektang Tendai na si Shinran.

Bagaman sulat-Intsik ang pangunahing ginagamit ng Korte ng Imperyo sa Panahong Heian, ang pagpapakilala ng mga sulat kana (Hiragana at Katakana) ang nagpausbong sa panitikang Hapones. Pero ang mga monghe lamang at mga nasa korte ang nakakabasa dito. Maraming mga karaniwang Hapones ang hindi marunong magbasa.

Gayunpaman dito umusbong ang mga samu't saring tula, sanaysay at mga nobela gaya Genji Monogatari na isinulat ni Lakambining Murasaki Shikibu, na tinaguriang kauna-unahang nobela sa buong mundo. Dito din naisulat ang ‘Kimi ga Yo’ ang pambansang awit ng mga Hapones. Si Lakambining Sei Shonagon na kakontemporaryo at karibal ni Lakambining Murasaki Shikibu ang sumulat ng Aklat na Unan (The Pillow Book) noong taong 990. Isang koleksiyon iton ng mga makabukas-matang pagmamatyag at mga muni-muni ng isang tagasunod sa bulwagan ng Emperatris. Ang bantog na tulang iroha ay dito din sa panahong ito naisulat.

Maituturing talaga na tumpak ang napiling pangalan na panahon na ito dahil na tunay na Kapayapaan ang sa buong bansa. Pero sa mahabang panahon ng kapayapaang ito, marami ang nagsasabi na humina ang pangkabuhayan ng karaniwang Hapones, marami ang nagutom maliban sa ilang mga tao na kung tawagin ay Yokibito. Ang salin ng salitang Yokibito ay "Mabubuting Tao". Ito ay limang libo lamang sa loob ng limang milyong nagugutom na Hapones. Ang mga Yokibito lamang ang tunay na nakikinabang sa mga benepisyo ng korte ng Imperyo sa Panahong Heian.

Napabayaan ng korte ang ekonomiya at hindi na niya napamunuan ng maigi ang mga bayan-bayan at lalawigan. Noong taong 1000, hindi na alam kung papapano magpapaluwal ng pera ang pamahalaan dagdag pa ditounti-unti na ding nawawala ang pera sa sirkulasyon.

Ang kakulangang ito sa pera ay nailarawan sa mga nobela ng mga panahong Heian, gaya na lamang ng isang mensahero na imbes pera ang ibigay sa kanyang serbisyo ay isang sedang kimono na lamang ang ibinayad sa kanya. Napabayaan din ng mga namumunong Fujiwara ang kapulisan kung kayat malayang nakakagala ang mga bandido at mamamatay-tao. Naihayag din ito sa mga nobela ng panahong Heian kung papaanong napakadelikado ng paggala sa gabi. Dahil dito, unti-unting nabuo at nagkaroon ng lakas at impluwensiya ang mga uring mandirigma.

Ang pagbangon ng mga uring mandirigma

baguhin

Sa mga naunang korte ng Imperyo ang pagrerekrut ng mga militar ay nasa pamahalaan at ang kaganapang militar ay tinanggal sa mga naghaharing uri sa mga lalawigan. Pagkaraan ng taong 792 kung saang unti-unti na bumabagsak ang sistemang pangkabuhayan at panglipunan, ang mga naghaharing uri ulit sa mga lalawigan ang siyang naging pinagmulan ulit ng mga lakas-militar.

Ang mga may-ari ng shoen o iyong malalaking lupain ay may mga taong pinagkukunan na para magsilbi bilang mandirigma nila. Galing sa mga nagtatrabaho sa mga lupaing kanilang kinasasakupan ang mga rekrut na ito. Dahil sila din ang may kakayahang makakuha ng mas pinainam na mga kagamitang militar at kaakibat nitong mga teknolohiya gaya ng bagong mga pamamaraan sa pagsasanay ng mga rekrut, mas magaling ng mga panudla, baluti, mga kabayo at mas matibay na sandata, idagdag pa dito ang lumalang kaguluhan at kalagayan ng pangkabuhayan sa bansa, walang nagawa ang mga kalalakihan sa loob ng mga shoen na manilbihan bilang mga mandirigma. Silay mga naging samurai o ang ibig sabihin ay yaong mga naglilingkod.

Hindi lamang mga shoen kundi pati mga institusyong sibil at panrelihiyon ang nangailangan ng mga pribadong bantay para protektahan ang kanilang mga sarili. Di naglaon ang mga naghaharing uri sa mga lalawigan ang kinilalang mga bagong uring militar ayon sa kaisipang bushi (mandirigma). Dito halaw ang Kodigo ng Bushido o Kodigo ng Landas ng mga Mandirigma.

Malawak ang interes ng mga bushi. Pinutol nila ang mga lumang anyo ng kapangyarihan at binago iyon batay sa pagbuo ng mga bagong samahan noong ikasampung dangtaon.

Magkakaugnay na interes, koneksiyon ng pamilya at pagiging magkakamag-anak ang naging batayan para makabuo ng isang grupong militar na sumusunod sa pamumuno ng isang pamilya. Di naglaon lalo pang lumaki itong mga pamilyang mandirigma sa mga lalawigan hanggang nagkaroon na sila ng mga impluwensiya at presensiya sa Korte ng Imperyo. Sumikat ang mga pamilyang ito sa pagkakaroon nila ng koneksiyon sa Korte ng Imperyo kung kayat napilitang magbigay ang emperador ng mga titulong may kaugnayan sa digmaan at ipinaubaya na din ang kontrol sa mga pamilyang ito ang pagrerekrut sa mga bagong sundalo. Ang angkang Fujiwara, Taira at Minamoto ang sumikat sa mga panahong ito na sinuportahan ng mga pamilyang naging uring mandirigma.

Sa pagbaba ng produksiyon ng pagkain, paglobo ng populasyon at labanan para sa mga likas na yaman ang siyang naging sanhi para humina ang angkan ng mga Fujiwara. Sa paghina ng kapangyarihan ng Fujiwara nagsimula ang maraming sigalot noong ikasampu hanggang ika-11 dangtaon. Ang mga kasapi ng mga angkang Fujiwara, Taira at Minamoto na pawang galing sa maharlikang pamilya ng imperyo ay nagsimulang atakihin ang mga kani-kanilang mga kampo sa kagustuhang makakamkam ang bawat ng isa ng mas malawak na lupain. Nagtatag sila ng kani-kaniyang rehimen at masasabing ginulo talaga ng tatlong angkan na ito ang katahimikan ng buong Japan.

Hawak ng angkang Fujiwara ang trono simula pa noon. Pero nang mabuhay si Emperador Takahito o mas kilala bilang Emperador Go-Sanjou ay nag-iba ang ihip ng hangin. Si Takahito kasi ang emperador na hindi iniluwal sa sinapupunan ng isang ina na galing sa angkan ng mga Fujiwara. Simula kasi noong ika-siyam na dangtaon lahat ng mga nanay ng mga Emperador ng Hapon ay galing sa angkang Fujiwara.

Sa panahon ni Emperador Go-Sanjou (1068-73) sa Trono ng Krisantemo ay pinilit niyang ibalik ang pamamahala ng bansa sa ilalim ng kanyang trono gamit ang isang kamay na bakal. Naglabas siya ng mga reporma na pumatay sa impluwensiya ng mga Fujiwara sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang tanggapan ng magpapatunay sa mga pag-aari ng mga lupa. Alam ni Takahito na hindi sertipikado ang mga malalaking shoen. Naging malaking kabawasan ito sa mga angkang Fujiwara na naging dahilan para humina sila.

Binuo niya ang Incho o Tanggapan ng mga Nakatagong Emperador. Opisina ito ng mga Emperador na nagpaubaya ng kanilang mga Trono nang sa gayon ay maipagkaloob nila ang kanilang mga sarili sa di-tuwirang pamumuno sa ilalim ng insei (o nakatagong pamahalaan).

Pinalitan ng Incho ang mga nawalang kapangyarihan ng mga Fujiwara. Pero imbes na ipatapon sila, nanatili sila sa mga dati nilang pusisyon bilang mga Gitnang Ministro na hindi gaanong pinapansin kapag nagkakaroon ng mga mahahalagang desisyon para sa Imperyo. Di naglaon ay pinalitan ang mga pusisyon ng mga Fujiwara ng mga angkang Minamoto. Nag-away-away ang mga angkang Fujiwara at nahati sila sa dalawang grupo. Ang isa ay nakabase sa Hilaga ang isa sa Timog. Walang kamuwang-muwang ang mga nasa korte imperyo na ang sistemang insei ang nagpatuloy upang maimpluwensiyahan pa din ang Trono ng Krisantemo. Matatandaan na galing sa mga Fujiwara ang mga retiradong Emperador.

Ang panahon ng taong 1086 hanggang taong 1156 ang masasabing panahon ng pamamayagpag ng Incho. Ito din ang panahon ng paglakas ng mga uring magdirigma sa buong bansa at dahas-militar ang nangibabaw kesa sa kapangyarihang sibil sa gubyerno.

Ang isang labanan para sa uumupo sa Trono ng Krisantemo ang nagbigay daan para manumbalik ang nawalang kapangyarihan ng mga angkang Fujiwara. Pero di naglaon ay natapos din ng tuluyan ang impluwensiya ng mga Fujiwara ng kumampi si Yorinaga Fujiwara sa panig ng isang retiradong Emperador kontra sa Tapagmana ng Trono ng Krisantemo na suportado naman ng mga angkang Taira at Minamoto.

Natalo ang angkang Fujiwara sa isang madugong labanan noong 1158. Dahil dito nabuwag ang mga Fujiwara, pinatay ang lumang uri ng gubyerno at ang sistemang insei ay tuluyang nawalan ng kapangyarihan dahil mga mandirigma na ang kumontrol sa mga kalakaran sa Korte ng imperyo. Isa itong malaking pagbabago sa kasaysayan ng mga Hapones.

Subalit hindi lumipas ang isang taon ang mga Taira naman at Minamoto ang nagbabakbakan.

Nanalo dito ang mga angkang Taira at nagsimula ang kanilang dalawang dekadang pamumuno. Pero dahil nasilaw sila sa buhay-maharlika, nakalimutan nila ang mga problema ng mga tao sa mga lalawigan. Dahil dito, nag-alsa si Minamoto Yoritomo mula sa kanyang kampo sa Kamakura (timog-kanluran kung nasaan ang Tokyo ngayon). Sa isang madugong Digmaan na kung tawagin ay Digmaang Genpei (1180-85), nabura sa kasaysayan ang angkang Taira pati na rin ang batang emperador na kanilang iniluklok sa Trono ng Krisantemo.

pFad - Phonifier reborn

Pfad - The Proxy pFad of © 2024 Garber Painting. All rights reserved.

Note: This service is not intended for secure transactions such as banking, social media, email, or purchasing. Use at your own risk. We assume no liability whatsoever for broken pages.


Alternative Proxies:

Alternative Proxy

pFad Proxy

pFad v3 Proxy

pFad v4 Proxy