Genghis Khan

tagapagtatag ng Imperyong Monggol (s. 1162 – 1227)

Si Genghis Khan (ipinanganak sa pangalang Temüjin; c. 1162 – Agosto 1227), kilala rin bilang Chinggis Khan, ay ang nagtatag at unang khan ng Imperyong Monggol. Matapos gugulin ang halos buong buhay niya sa pag-iisa sa mga tribong Monggol, naglunsad siya ng serye ng mga kampanyang militar, at sinakop ang malaking bahagi ng Tsina at Gitnang Asya.

Genghis Khan
Larawan ng isang matandang may balbas na si Genghis na nakasuot ng puting damit
Reproduksiyon ng dibuho noong 1278 na kinuha mula sa isang album noong panahong Yuan– Museo ng Pambansang Palasyo, Taipei
Khan ng Imperyong Monggol
Panahon 1206 – Agosto 1227
Sumunod
Asawa
  • Börte
  • mga iba pa
Anak
  • Jochi
  • Chagatai
  • Ögedei
  • Tolui
  • mga iba pa
Buong pangalan
Temüjin (ᠲᠡᠮᠦᠵᠢᠨ)
Lalad Borjigin
Ama Yesugei
Ina Hö'elün
Kapanganakan c. 1162
Bulubunduking Khentii
Kamatayan Agosto 1227
Xingqing, Kanlurang Xia
Libingan Hindi alam

Pormal na inangkin ni Temüjin ang titulong "Genghis Khan" na may di-tiyak na kahulugan, sa isang pagpupulong noong 1206. Sa pagsasagawa ng mga reporma upang matiyak ang pangmatagalang katatagan, binago niya ang istraktura ng tribo ng mga Monggol na maging meritokrasiya na nakatuon sa paglilingkod sa naghaharing pamilya. Matapos hadlangan ang kudetang sinubukan ng isang makapangyarihang shaman, sinimulan ni Genghis na patatagin ang kanyang kapangyarihan. Noong 1209, pinangunahan niya ang malawakang pagsalakay sa karatig na Kanlurang Xia na sumang-ayon sa mga tuntunin ng Monggol sa sumunod na taon. Pagkatapos, naglunsad siya ng kampanya laban sa dinastiyang Jin, na tumagal ng apat na taon at nagwakas noong 1215 nang makuha ang kabisera ng Jin na Zhongdu. Sinakop ng kanyang heneral na si Jebe ang estado ng Qara Khitai sa Gitnang Asya noong 1218. Naudyukan si Genghis na salakayin ang Imperyong Khwarazmia nang sumunod na taon sa pamamagitan ng pagbitay sa kanyang mga sugo. Ang kampanya ay nagpabagsak sa estado ng Khwarazmia at nagwasak sa mga rehiyon ng Transoxiana at Khorasan, habang pinangunahan ni Jebe at ang kanyang kasamahan na si Subutai sa isang ekspedisyon na umabot sa Georgia at Kievan Rus'. Noong 1227, namatay si Genghis habang sinusupil ang rebeldeng Kanlurang Xia. Kasunod ng dalawang taong interegno, lumuklok sa trono noong 1229 ang kanyang ikatlong anak na lalaki at tagapagmana na si Ögedei.

Nananatiling kontrobersiyal si Genghis Khan. Siya ay naging mapagbigay at napakatapat sa kanyang mga tagasunod, ngunit walang awa sa kanyang mga kaaway. Tinanggap niya ang payo mula sa mga iba't ibang tao sa kanyang hangarin para mangibabaw sa mundo, na pinaniwalaan niyang itinalaga siya ni Tengri, ang pinakamataas na deidad ng mga shaman. Sa ilalim ni Genghis, pumatay ng milyun-milyong tao ang hukbong Monggol, nagdulot din ang kanyang mga pananakop ng wala pang katulad na pagpapalitan ng komersyo at kultura sa napakalawak na heograpikal na pook. Sa Rusya at mundong Arabe, naaalala siya bilang atrasado at malupit na maniniil, habang nagsisimulang suriin muli ng kamakailangang Kanluraning iskolarsip ang dati nitong pagtingin sa kanya bilang barbarong kumander. Nang pagkamatay, ginawang bathala siya sa Monggolya; kjinikilala siya ng mga modernong Monggol bilang tagapagtatag ng kanilang bansa.

Pangalan at titulo

baguhin

Walang unibersal na sistema ng romanisasyon para sa wikang Monggol; kaya, lubhang magkakaiba ang mga modernong pagbaybay ng mga pangalang Monggol at maaaring magresulta sa malaking pagkakaiba sa pagbigkas kumpara sa orihinal.[1]:x–xi Hinango ang panggalang na pinakakaraniwang isinasalin bilang "Genghis" sa Monggol na ᠴᠢᠩᠭᠢᠰ, na maaaring iromanisa bilang Činggis. Inangkop ito sa Tsino bilang 成吉思 Chéngjísī, at sa Persa bilang چنگیز Čəngīz. Dahil walang katunog ng [tʃ] sa Arabe, kinakatawan ng č sa mga romanisasyon ng Monggol at Persa, isinalin ng mga manunulat ang pangalan bilang J̌ingiz, habang ginamit ng mga may-akdang Siriako ang Šīngīz.[2]:281

Bukod sa "Genghis" na ipinakilala sa wikang Ingles noong ika-18 siglo batay sa maling pagbabasa ng mga sangguniang Persa, kabilang sa mga modernong pagbaybay sa Ingles ang "Chinggis", "Chingis", "Jinghis", at "Jengiz".[3]:Pnm[4]:776[5] Minsan, binabaybay ang kanyang ngalan sa kapanganakan, "Temüjin" (ᠲᠡᠮᠦᠵᠢᠨ; 鐵木真 Tiěmùzhēn) bilang "Temuchin" sa Ingles.[3]:Pnm

Nang itatag ng apo ni Genghis na si Kublai Khan ang dinastiyang Yuan noong 1271, ipinagkaloob niya ang pantemplong ngalan na Taizu (太祖, 'Supremong Ninuno') at postumong ngalan na Shengwu Huangdi (皇帝, 'Banal na Emperador Militar') sa kanyang lolo. Kalaunan, pinalawak ng apo sa tuhod ni Kublai na si Külüg Khan ang titulong ito na maging Fatian Qiyun Shengwu Huangdi (皇帝, 'Tagapagsalin ng Makalangit na Batas, Tagapagsimula ng Magandang Kapalaran, Banal na Emperador Militar').[6]:77–82

Pinagkunan ng impormasyon

baguhin

Dahil nakasulat ang mga sanggunian sa higit sa isang dosenang mga wika mula sa buong Eurasya, nahirapan ang mga modernong istoryador na magtipon ng impormasyon tungkol sa buhay ni Genghis Khan.[7]:4-5 Ang lahat ng mga salaysay ng kanyang pagbibinata at pagbangon sa kapangyarihan ay nagmula sa dalawang sanggunian sa wikang Monggol—ang Sikretong Kasaysayan ng mga Monggol at Altan Debter (Gintong Aklat). Nagsilbing inspirasyon ang ikalawa, na nawala na ngayon, ng dalawang Tsinong salaysay—ang Kasaysayan ng Yuan at Shengwu qinzheng lu (Mga Kampanya ni Genghis Khan) ng ika-14 na siglo.[1]:xii

Umiiral pa rin ang Sikretong Kasaysayan dahil naisatitik ito sa mga Tsinong titik noong ika-14 at ika-15 siglo.[8]:481 Pinagtalunan ang pagiging makasaysayan nito: itinuring ni Arthur Waley, isang sinolohista ng ika-20 siglo, na isa itong akdang pampanitikan na walang historiograpikal na halaga, ngunit mas pinaniniwalaan ng mga kamakailang istoryador ang gawain.[9][7]:11 Bagama't malinaw na pinaghihinalaan ang kronolohiya ng akda at inalis o binago ang ilang mga sipi para gumanda ang pagsasalaysay, lubos na pinahahalagahan ang Sikretong Kasaysayan dahil madalas na mapamintas kay Genghis Khan ang hindi kilalang may-akda: bukod sa paglalarawan sa kanya bilang urong-sulong at takot sa aso, nagsasalaysay din ang Sikretong Kasaysayan ng mga di-pinagtatalakayang kaganapan tulad ng pagpatay sa kanyang kapatid at ang posibilidad ng pagiging di-lehitimo ng kanyang anak na si Jochi.[1]:xiv–xv

 
Ika-15 siglo na kopya ng Jami' al-tawarikh ni Rashid al-Din Hamadani

Umiiral pa rin ang ilang salaysay sa wikang Persa, na maaaring may positibo o negatibong saloobin kay Genghis Khan at sa mga Monggol. Parehong natapos nina Minhaj-i Siraj Juzjani at Ata-Malik Juvayni ang kani-kanilang mga salaysay noong 1260.[7]:16-17 Naging saksi si Juzjani sa kalupitan ng mga panlulupig ng Monggol, at ang poot ng kanyang salaysay ay sumasalamin sa kanyang mga karanasan.[10]:xvi Mas madamayin si Juvayni, ang kanyang kontemporaryo na naglakbay sa Mongolia nang dalawang beses at nakakuha ng mataas na posisyon sa administrasyon ng kahaliling estado ng mga Monggol; ang kanyang salaysay ay ang pinakamaaasahan ukol sa mga kanlurang kampanya ni Genghis Khan.[7]:18[1]:xv-xvi Ang pinakamahalagang sanggunian sa Persa ay ang Jami' al-tawarikh (Kompendyo ng mga Salaysay) na pinagsama-sama ni Rashid al-Din sa utos ng inapo ni Genghis na si Ghazan noong unang bahagi ng ika-14 na siglo. Binigyan ni Ghazan si Rashid ng pribilehiyong akses sa mga kompidensyal na sangguniang Monggol tulad ng Altan Debter at sa mga eksperto sa mga bibigang tradisyon ng mga Monggol, kabilang dito ang embahador ni Kublai Khan na si Bolad Chingsang. Dahil nagsulat siya ng opisyal na salaysay, sinensor ni Rashid ang mga inkombenyente o ipinagbabawal na detalye.[1]:xv[11]:117[7]:18-21

May mga iba pang kontemporaryong salaysay na may karagdagang impormasyon tungkol kay Genghis Khan at mga Monggol, ngunit kadalasang pinaghihinalaan ang kanilang niyutralidad at pagkamapagkakatiwalaan. Kabilang sa mga iba pang sangguniang Tsino ang mga salaysay ng mga dinastiyang nasakop ng mga Monggol, at ang diplomatiko ng Song na si Zhao Hong, na bumisita sa mga Monggol noong 1221.[a] Kabilang sa mga sangguniang Arabe ang kontemporaryong talambuhay ng prinsipeng Khwarazmiyo na si Jalal al-Din na gawa ng kanyang kompanyero na si al-Nasawi. Mayroon ding ilang mga kalaunang salaysay na Kristiyano, kabilang dito ang Kronikang Heoryano, at mga gawa ng mga Europeong manlalakbay tulad nina Carpini at Marco Polo.[10]:xiv-xvi[12]

Pag-akyat sa Trono

baguhin

Ang nagmana ng trono ay ang kanyang ikatlong anak si Ogedei Khan na ipinagpatuloy ang pagpapalawak sa imperyo at hinati din naman ang kanyang imperyo sa kanyang mga anak na lalaki. Ang kanlurang bahagi ay napunta kay Jochi (namatay noon 1226 at nahati ito sa Bughaw na Horde at Puting Horde), ang gitnang Asya ay napunta kay Chagatai Khan, at ang lupain ng mga Mongol ay napunta kay Tolui na naging rehente rin ng imperyo bago si Ogedei ang mahirang [kailangan ng sanggunian]

Ang kanyang buhay ay matutunghayan rin sa Russong palabas na Mongol (2007).

Talababa

baguhin
  1. Isinasalin din bilang Zhao Gong, ang kanyang Mengda beilu (Isang Kumpletong Rekord ng mga Monggol na Tartar) ay ang tanging umiiral na sanggunian tungkol sa mga Monggol na isinulat noong buhay pa si Genghis.[11]:154

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 Ratchnevsky, Paul (1991). Genghis Khan: His Life and Legacy [Genghis Khan: Kanyang Buhay at Legasiya] (sa wikang Ingles). Sinalin ni Thomas Haining. Oxford: Blackwell Publishing. ISBN 978-0-6311-6785-3.
  2. Pelliot, Paul (1959). Notes on Marco Polo [Mga Tala tungkol kay Marco Polo] (PDF) (sa wikang Ingles). Bol. I. Paris: Imprimerie nationale. OCLC 1741887. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 31 Agosto 2021. Nakuha noong 17 Oktubre 2022.
  3. 3.0 3.1 Bawden, Charles (2022). "Genghis Khan". Encyclopædia Britannica (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 11 Oktubre 2022. Nakuha noong 17 Oktubre 2022.
  4. Wilkinson, Endymion (2012) [1973]. Chinese History: A New Manual [Kasaysayang Tsino: Isang Bagong Manwal] (sa wikang Ingles) (ika-3 (na) edisyon). Cambridge: Harvard University Press. ISBN 978-0-6740-6715-8.
  5. Morgan, David (1990). "Čengīz Khan". Encyclopædia Iranica (sa wikang Ingles). Bol. V. pp. 133–135. Nakuha noong 10 Disyembre 2022.
  6. Fiaschetti, Francesca (2014). "Tradition, Innovation and the construction of Qubilai's diplomacy" [Tradisyon, Inobasyon at ang pagbuo ng diplomasya ni Qubilai] (PDF). Ming Qing Yanjiu (sa wikang Ingles). 18 (1): 82. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 11 June 2022. Nakuha noong 10 January 2020.
  7. 7.0 7.1 7.2 7.3 7.4 Morgan, David (1986). The Mongols [Ang Mga Monggol]. The Peoples of Europe (sa wikang Ingles). Oxford: Blackwell Publishing. ISBN 978-0-6311-7563-6.
  8. Hung, William (1951). "The Transmission of The Book Known as The Secret History of The Mongols" [Ang Transmisyon ng Aklat na Kilala Bilang Ang Sikretong Kasaysayan ng mga Monggol]. Harvard Journal of Asiatic Studies (sa wikang Ingles). 14 (3/4): 433–492. doi:10.2307/2718184.
  9. Waley, Arthur (2002). The Secret History of the Mongols: and other pieces [Ang Sikretong Kasaysayan ng mga Monggol: at iba pang akda] (sa wikang Ingles). London: House of Stratus. pp. 7–8. ISBN 978-1-8423-2370-0.
  10. 10.0 10.1 Sverdrup, Carl (2017). The Mongol Conquests: The Military Campaigns of Genghis Khan and Sübe'etei [Ang Panlulupig ng Mga Mongol: Ang Mga Kampanyang Militar nina Genghis Khan at Sübe'etei] (sa wikang Ingles). Solihull: Helion & Company. ISBN 978-1-9133-3605-9.
  11. 11.0 11.1 Atwood, Christopher P. (2004). Encyclopedia of Mongolia and the Mongol Empire [Ensiklopedya ng Monggolya at ng Imperyong Monggol] (sa wikang Ingles). New York: Facts on File. ISBN 978-0-8160-4671-3.
  12. Wright, David Curtis (2017) [2016]. "Genghis Khan". Oxford Bibliographies: Military History (sa wikang Ingles). Oxford: Oxford University Press. doi:10.1093/OBO/9780199791279-0154.
pFad - Phonifier reborn

Pfad - The Proxy pFad of © 2024 Garber Painting. All rights reserved.

Note: This service is not intended for secure transactions such as banking, social media, email, or purchasing. Use at your own risk. We assume no liability whatsoever for broken pages.


Alternative Proxies:

Alternative Proxy

pFad Proxy

pFad v3 Proxy

pFad v4 Proxy