Pumunta sa nilalaman

Guimaras

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Guimaras
Lalawigan ng Guimaras
Watawat ng Guimaras
Watawat
Mapa ng Pilipinas na magpapakita ng lalawigan ng Guimaras
Mapa ng Pilipinas na magpapakita ng lalawigan ng Guimaras
Map
Mga koordinado: 10°34'N, 122°35'E
Bansa Pilipinas
RehiyonKanlurang Kabisayaan
KabiseraJordan
Pagkakatatag22 Mayo 1992
Pamahalaan
 • UriSangguniang Panlalawigan
 • GobernadorSamuel Gumarin
 • Manghalalal119,538 na botante (2019)
Lawak
[1]
 • Kabuuan604.57 km2 (233.43 milya kuwadrado)
Populasyon
 (senso ng 2020)
 • Kabuuan187,842
 • Kapal310/km2 (800/milya kuwadrado)
 • Kabahayan
40,497
Ekonomiya
 • Kaurian ng kitaika-4 na klase ng kita ng lalawigan
 • Antas ng kahirapan7.30% (2021)[2]
 • Kita(2020)
 • Aset(2020)
 • Pananagutan(2020)
 • Paggasta(2020)
Pagkakahating administratibo
 • Mataas na urbanisadong lungsod0
 • Lungsod0
 • Bayan5
 • Barangay98
 • Mga distrito1
Sona ng orasUTC+8 (PST)
Kodigo postal
5044–5048
PSGC
067900000
Kodigong pantawag33
Kodigo ng ISO 3166PH-GUI
Klimatropikal na klima
Mga wikawikang Hiligaynon
Websaythttp://guimaras.gov.ph

Ang Guimaras (pagbigkas: gi•ma•rás) ay isang pulong lalawigan sa Pilipinas na matatagpuan sa rehiyon ng Kanlurang Visayas. Kilala ang lalawigan sa mangga na pangunahin nitong produktong na iniluluwas pa sa ibang bansa. Jordan ang kabisera ng lalawigan.

Ang Bahay Roca Encantada sa Buenavista

Hinihiwalay ng makitid na Kipot ng Iloilo mula sa pulo ng Panay at Kipot ng Guimaras mula sa pulo ng Negros ang lalawigan ng Guimaras.

Ang pulo ng Guimaras na siyang pangunahing pulo ng lalawigan ang bumubuo sa 98 bahagdan ng kabuuang kalupaan nito. Binubuo ang lalawigan ng pangunahing pulo ng Guimaras at ilan pang maliliit na mga pulo sa baybayin nito, ang pinakamalaki rito ay ang pulo ng Inampulugan sa timog-silangang baybayin ng Sibunag na may lawak na 10.67 km².[3] Ang ilan pang mga pulo ng lalawigan ay ang mga pulo ng Nadulao, Nalunga, Guiuanon, Panubulon, Tandug, Yato, Taklong. Mayo 42 maliliit na pulo naman ang bumubuo sa Kapuluang Taklong sa timog-kanlurang baybayin ng Nueva Valencia sa Golpo ng Panay na nagsisilbing pambansang reserbang pandagat, kung saan nagsasagawa ng iba't-ibang gawaing pananaliksik.

Ang Bundok Dinulman na may taas na 267 metro mula sa antas ng dagat ang pinakamatayog na bahagi ng lalawigan. Malaking bahagi naman ng pulo ng Guimaras ay 100 metro ang taas mula sa antas ng dagat.

Siyam sa bawat sampung Guimarasnon ay Hiligaynon — ang pangunahing wika ng rehiyon; samantalang 2.8 bahagdan naman ay Kinaray-a. At ang mga natitira naman ay mga Cebuano, Tagalog at iba pang pangkat.[4]

Sa malaking bahagi ng kasaysayan ng Guimaras sakop ito ng karatig na lalawigan ng Iloilo. Naging regular na parokya ang Guimaras noong 1755 at di-naglaon dumami ang mga naninirahan dito na naging daan upang ito'y maging isang ganap na bayan noong 1886, na may kabayanan sa Tilad (ngayo'y Buenavista).[5]

Noong 1966 sa bisa ng R.A. 4667, naging sub-lalawigan ng Iloilo ang Guimaras na may tatlong bayan — Buenavista, Jordan at Nueva Valencia (itinatag noong 1941), hanggang 1992 nang itakda ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal (R.A. 7160) ang pagdaraos ng plebisito sa lahat ng mga sub-lalawigan kung nanaisin nitong maging isang ganap na lalawigan o maibalik sa inang lalawigan nito. Sa ginanap na plebisito, 86.9 na bahagdan[6] ang sumang-ayon na maging isang ganap na lalawigan ang Guimaras at tuluyan nang mahiwalay sa Iloilo. Nagkaroon din ito ng sarili nitong kinatawan sa Kapulungan ng mga Kinatawan na unang hinalal noong 1995. Kasabay ng naturang halalan, ang mga plebisito na nagpatibay ng R.A. 7896 at R.A. 7897 na nagtatatag ng mga bayan ng Sibunag[7] at San Lorenzo,[8] alinsunod sa pagkakasunod.

Ang pinakamalalang sakunang pandagat sa Pilipinas ay naganap sa Kipot ng Guimaras sa pagitan ng Guimaras at Negros Occidental noong 11 Agosto 2006 nang lumubog ang oil tanker ng Petron na M/T Solar 1 at tumagas ang 2.1 milyong litrong langis na lulan nito sa karagatan ng lalawigan.[9]

Mapang pampolitika ng Guimaras

Gaya ng iba pang lalawigan sa Pilipinas, napapaloob sa Kodigo ng Pamahalaang Lokal ang sistema ng pamamahala sa lalawigan. Pinamumunuan ito ng gobernador na siyang punong tagapagpaganap, kahalili ang isang bise gobernador na tumatayong tagapangulo ng Sangguniang Panlalawigan na bumuboto lamang tuwing patas ang boto ng Sanggunian Panlalawigan.

Punong tagapagpaganap

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1992–1998: Emily R. Lopez
  2. 1998–2007: Joaquin Carlos Rahman A. Nava
  3. 2007–2013: Felipe Hilan A. Nava
  4. 2013– : Samuel T. Gumarin

Sangguniang Panlalawigan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Sangguniang Panlalawigan ng Guimaras na siyang tagapagbatas ng pamahalaang panlalawigan ay binubuo ng walong regular-na-halal na kagawad o bokal at tatlong ex-officiong kasapi na siyang mga pangulo ng:

Samantalang, naghahalal ng tig-apat na bokal ang bawat distritong pangsangguniang naghahati sa Guimaras. Napapangkat ang mga bayan nito sa sumusunod:

  • Unang distrito: Buenavista, San Lorenzo
  • Ikalawang distrito: Jordan, Nueva Valencia, Sibunag

Pagkakahating pampolitika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nahahati ang Guimaras sa limang bayan na siya namang nahahati sa 98 barangay.

Bayan Barangay Lawak
(km²)
Populasyon
(2010)
Kapal
(Tao/km²)
Buenavista 36 128.26 46,703 364.1
Jordan 14 126.11 34,791 275.9
Nueva Valencia 22 137.12 37,852 276.1
San Lorenzo 12 93.04 24,032 258.3
Sibunag 14 120.04 19,565 163.0
Kabuuan 98 604.57 162,943 269.5

Dahil sa paglago ng turismo, ang sektor ng paglilingkod ang may pinakamalaking ambag sa ekonomiya ng lalawigan. Kasunod nito ang sektor ng pagsasaka, pangingisda at pangungubat — palay, mangga, kasoy, alagaing-hayop at isda.[10]

Ang Guimaras State College na may campus sa Buenavista (punong campus) at Jordan ang tanging institusyong may panterserang edukasyon sa buong lalawigan.

Transportasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Paliparang Pandaigdig ng Iloilo ang pinakamalapit na paliparan sa lalawigan na may komersiyal na lipad. Mula sa Lungsod ng Iloilo may regular na biyahe ang mga lantsa patungong Guimaras na dumadaong sa mga bayan ng Buenavista at Jordan. Ang mga jeep, tricycle, habal-habal at mini-van ang mga karaniwang ginagamit na sasakyan sa lalawigan, liban sa mga bangka na sinasakyan patungo sa maliliit na pulo ng Guimaras.

  1. "Province: Guimaras". PSGC Interactive. Quezon City, Philippines: Philippine Statistics Authority. Nakuha noong 12 Nobyembre 2016.
  2. "2021 Full Year Official Poverty Statistics of the Philippines" (PDF). Pangasiwaan ng Estadistika ng Pilipinas. 15 Agosto 2022. Nakuha noong 28 Abril 2024.
  3. Discover Guimaras Naka-arkibo 2012-10-15 sa Wayback Machine.. Province of Guimaras. Hinango noong 24 Oktubre 2012. (sa Ingles)
  4. Guimaras Population Almost Doubled in Thirty Years Naka-arkibo 2016-03-15 sa Wayback Machine.. National Statistics Office. 10 Enero 2002. Hinango noong 24 Oktubre 2012. (sa Ingles)
  5. History of Guimaras. Hinango noong 24 Oktubre 2012. (sa Ingles)
  6. G.R. No. 105214 30 Agosto 1993. Hinango noong 24 Oktubre 2012. (sa Ingles)
  7. Republic Act No. 7896[patay na link]. Hinango noong 24 Oktubre 2012. (sa Ingles)
  8. Republic Act No. 7897[patay na link]. Hinango noong 24 Oktubre 2012. (sa Ingles)
  9. Burgos, Nestor Jr. P. Guimaras oil spill recovery goes on. INQUIRER.net. 13 Agosto 2011. Hinango noong 25 Oktubre 2012. (sa Ingles)
  10. Provincial Development and Physical Framework Plan 20008–2013[patay na link]. National Economic Development Authority – Region VI. Hinango noong 26 Oktubre 2012. (sa Ingles)
pFad - Phonifier reborn

Pfad - The Proxy pFad of © 2024 Garber Painting. All rights reserved.

Note: This service is not intended for secure transactions such as banking, social media, email, or purchasing. Use at your own risk. We assume no liability whatsoever for broken pages.


Alternative Proxies:

Alternative Proxy

pFad Proxy

pFad v3 Proxy

pFad v4 Proxy