Pumunta sa nilalaman

Joseph Stalin

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Josef Vissarionovich Stalin
Иосиф Виссарионович Сталин
იოსებ ბესარიონის ძე სტალინი
Opisyal na litrato ni Stalin para sa lehislatibong halalan ng Unyong Sobyetiko noong 1950.

Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Unyong Sobyetiko
Nasa puwesto
3 Abril 1922 – 16 Oktubre 1952
Nakaraang sinundanVyacheslav Molotov (Responsableng Kalihim ng PKR(b))
Sinundan niNikita Khrushchev (Unang Kalihim)

Tagapangulo ng Konseho ng mga Ministro ng Unyong Sobyetiko
Nasa puwesto
15 Marso 1946 – 5 Marso 1953
Unang Diputado
  • Nikolai Voznesensky
  • Vyacheslav Molotov
  • Nikolai Bulganin
Sinundan niGeorgy Malenkov

Ministro ng Sandatahang Lakas ng Unyong Sobyetiko
Nasa puwesto
15 Marso 1946 – 3 Marso 1947
Sinundan niNikolai Bulganin
Personal na detalye
Isinilang
Ioseb Besarionis dze Jughashvili
იოსებ ბესარიონის ძე ჯუღაშვილი

18 [L.I. 6] Disyembre 1878
Gori, Imperyong Ruso
Yumao5 Marso 1953(1953-03-05) (edad 74)
Mosku, Unyong Sobyetiko
HimlayanNekropolis ng Pader Kremlin
Mausoleo ni Lenin (1953–1961)
Partidong pampolitikaPKUS (1912–1953)
Ibang ugnayang
pampolitika
POSDR (1898–1912)
AsawaEkaterine Svanidze (1906-1907)
Nadezhda Alliluyeva (1919-1932)
Anak
  • Yakov Dzhugashvili
  • Vasily Stalin
  • Artyom Sergeyev (ampon)
  • Svetlana Alliluyeva
Magulang
  • Besarion Jughashvili
  • Ekaterine Geladze
Alma materSeminaryong Teolohikal ng Tiflis
Pirma
Serbisyo sa militar
Katapatan
Sangay/Serbisyo
Taon sa lingkod
  • 1918–1921
  • 1941–1953
Ranggo
Mariskal (1943–1945)
Heneralisimo (1945–1953)
AtasanKataas-taasang Komandante
Labanan/Digmaan
Pagkakasapi sa Institusyong Sentral at Ibang Tanggapang Hinawakan
  • 1943–1946: Komisaryong Bayan; Komisaryadong Bayan sa Tanggulan ng Unyong Sobyetiko
  • 1941–1945: Tagapangulo; Komite ng Tanggulang Pampamahalaan ng Unyong Sobyetiko
  • 1922–1953: Ganap na Kasapi; Ika-11–19 na Kalihiman ng Partido Komunista ng Unyong Sobyetiko
  • 1920–1952: Ganap na Kasapi; Ika-9–18 Kawanihang Organisasyonal ng Partido Komunista ng Unyong Sobyetiko
  • 1920–1922: Komisaryong Bayan; Komisaryadong Bayan sa Inspeksyong Manggagawa-Magbubukid ng SPSR ng Rusya
  • 1919–1920: Komisaryong Bayan; Komisaryadong Bayan sa Pampamahalaang Kontrol ng SPSR ng Rusya
  • 1918–1919: Ganap na Kasapi; Ika-2 Komite Sentral ng Partido Komunista (Bolshebista) ng Ukranya
  • 1917–1953: Ganap na Kasapi; Ika-6–18 Kawanihang Pampolitika at Ika-19 Presidyo ng Partido Komunista ng Unyong Sobyetiko
  • 1917–1923: Komisaryong Bayan; Komisaryadong Bayan sa mga Kabansaan ng SPSR ng Rusya
  • 1917–1918: Kasapi; Buong-Rusong Asembleyang Konstituyente ng Metropolis ng Petrogrado

Ika-2 Pinuno ng Unyong Sobyetiko
(Enero 21, 1924Marso 5, 1953)

Si Josef Vissarionovich Stalin (Disyembre 18, 1878Marso 5, 1953), ipinanganak na Ioseb Besarionis dze Jughashvili, ay manghihimasik at politikong Heorhiyano na naglingkod bilang pinuno ng Unyong Sobyetiko mula 1924 hanggang sa kanyang kamatayan noong 1953. Hinawakan niya ang mga pangunahing posisyon na Pangkalahatang Kalihim ng Partido Komunista sa pagitan ng 1922 at 1952 at Tagapangulo ng Konseho ng mga Ministro sa pagitan ng 1941 at 1953. Namahala sa simula bilang bahagi ng isang kolektibong pamumuno, pinagtipon niya ang kapangyarihan noong dekada 1930 upang maging ganap na diktador. Ideolohikong sumunod sa Leninistang interpretasyon ng Marxismo, pinagsama niya ang dalawa upang mabuo ang Marxismo–Leninismo, habang ang kanyang mga sariling ideya at patakaran ay tinatawag na Stalinismo.

Ipinanganak si Stalin sa isang dukhang pamilyang manggagawa sa Gori ng Imperyong Ruso. Dumalo siya sa Seminaryong Teolohikal ng Tiflis bago tumiwalag at sumapi sa Partido Obrero Sosyal-Demokratiko ng Rusya. Sumali siya sa paksyong Bolshebista ni Vladimir Lenin at namatnugot sa pahayagang Pravda. Nakilala siya sa kanyang pagpapasimuno ng pagnanakaw at pandurukot upang makalikom ng pondo para sa partido, kaya paulit-ulit siyang inaresto at ineksilya sa Siberya. Sa pagwagi ng Himagsikang Oktubre noong 1917 ay naging bahagi si Stalin sa piling Politburo, at pagkatapos ng kamatayan ni Lenin noong 1924 ay nakibaka laban kay Leon Trotsky para sa pamumuno, kung saan siya'y nagtagumpay. Sa ilalim ni kanyang pamamahala, naging sentral na doktrina ng partido ang konsepto ng sosyalismo sa isang bansa. Pinalitan niya ang Bagong Ekonomikong Polisiya noong 1928 ay inilunsad ang mga limang-taong plano na nakamit ang kolektibisasyong agrikultural at mabilisang industriyalisasyon, na lumikha ng isang sentralisadong ekonomiyang komando. Gayunpaman, nagkaroon ng mga pagkagambala sa produksyon ng pagkain na umambag sa Holodomor, isang panahon ng taggutom sa Ukranya na pumatay ng milyun-milyong mamamayan. Pinangunahan ni Stalin ang Komunistang Internasyonal at tinulungan ang mga kilusang anti-pasista sa Europa, partikular na sa Digmaang Sibil ng Espanya. Sa pagitan ng 1936 at 1938, inalis ni Stalin ang kanyang mga kalabang pampolitika sa Dakilang Purga. Tinatayang 18 milyong tao ang dumaan sa sistemang Gulag ng sapilitang kampong paggawa, at higit sa anim na milyon ang ipinatapon sa mga malalayong rehiyon ng bansa.

Kasunod ng pagkabigo na magtatag ng alyansang Anglo-Prangko-Sobyetiko, naglagda si Stalin ng pakto ng non-agresyon sa Alemanyang Nazi ni Adolf Hitler, at naging isa sa mga hudyat ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nilabag ang kasunduan sa pagsakop ng Aksis sa USSR, na pumilit sa kanya na sumali sa panig ng Alyados. Nakuha ng Hukbong Pula ang Berlin noong 1945, na nagmarka sa pagtapos ng gera. Lumitaw ang bansa kasama ang Estados Unidos na kapangyarihan sa mundo, at pumasok sa panahon ng Digmaang Malamig. Nagtayo si Stalin ng mga maka-Sobyetikong estadong papet sa Gitna at Silangang Europa, at pinangasiwaan ang unang pagsubok ng bombang atomiko sa Unyong Sobyetiko noong 1949. Pumanaw si Stalin noong 1953 matapos ma-istrok sa kanyang tanggapan, at hinalinhan ni Nikita Khrushchev bilang pinuno ng Unyong Sobyetiko. Kinondena ni Khrushchev ang pamumuno ni Stalin at nanawagan ng de-Stalinisasyon ng lipunang Sobyetiko.

Itinuturing na isa sa mga pinakamahalagang tao ng ika-20 dantaon, nananatiling kontrobersyal na pigura si Stalin. Naging paksa siya ng isang kulto ng personalidad sa pandaigdigang kilusang Marxista–Leninista, kung saan iginagalang siya bilang kampeon ng uring manggagawa at sosyalismo. Nananatili ang kanyang katanyagan sa Rusya at Heorhiya bilang matagumpay na pinuno na ginapi ang pasismo at nagpatibay sa katayuan ng Unyong Sobyetiko bilang pangunahing kapangyarihan sa mundo. Sa kaibhan nito, kinokondena ang kanyang rehimen bilang totalitaryo na nangasiwa sa malawakang panunupil, sapilitang deportasyon, etnikong paglilinis, libu-libong ehekusyon, at taggutom na pumatay ng milyun-milyong mamamayan.

Kapanganakan at pagkabata

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang bahay kung saan isinilang si Stalin. Bahagi ito ng museo sa Heorhiya na dedikado sa buhay niya.
Rehistrasyon ng kapanganakan ni Stalin mula sa mga talaang pangsimbahan ng Gori.

Ipinanganak si Stalin na Ioseb Besarionis dze Jughashvili (Heorhiyano: იოსებ ბესარიონის ძე ჯუღაშვილი) noong ika-18 ng Disyembre [L.I. 6 Disyembre] 1878 sa munting bayan ng Gori, Gobernasyong Tiflis sa dating Imperyong Ruso na ngayo'y nasa Heorhiya. Bininyagan siya noong Disyembre 29 [L.I. 17] at kinilala sa palayaw na "Soso", isang diminutibo ng Ioseb. Siya ang ikatlong anak nina Besarion Ivanes dze Jughashvili at Ekaterine Giorgis asuli Geladze; pumanaw ang kanyang dalawang nakatatandang kapatid na sina Mikheil at Giorgi noong sanggol pa lamang sila.[1]:14-16

Sina Besarion Jughashvili at Ekaterine Geladze, ang mga magulang ni Stalin.

Nagtrabaho si Besarion bilang sapatero at nag-ari ng pagawaan na sa una'y mapalad subalit nalugi nang lumalaki si Ioseb. Isang dahilan nito ay dalubhasa lamang siya sa paggawa ng tradisyonal na kasuotang Heorhiyano at hindi sa Europeo-istilong sapatos na mas lalong nagiging uso noon. Hulog sa kahirapan, nalulong si Beso sa alkohol at madahas na binubugbog ang kanyang asawa at anak. Lumayas si Ekaterine kasama si Soso noong 1883 at lumipat sa siyam na iba't ibang inuupahang silid sa sumunod na dekada.

Sa panahon ng kanilang palaboy, nagkasakit si Ioseb ng bulutong noong 1884, na nag-iwan sa kanya ng mga panghabang-buhay na marka sa mukha. Tumira sila noong 1886 kina Padre Christopher Charkviani, isang pampamilyang kaibigan. Determinado na mapaaral ang kanyang anak, nagtrabaho si Keke bilang tagapaglinis at tagapaglaba para sa mga lokal na pamilya na nakiramay sa kanyang kalagayan. Naging mahigpit ngunit mapagmahal siya na ina kay Ioseb. Isang debotong Kristiyano, regular siyang dumalo kasama ang kanyang anak sa mga serbisyo sa simbahan. Tinuruan si Ioseb ng mga adolesenteng anak ni Charkviani ng wikang Ruso. Sa huling bahagi ng 1888, tinala siya sa edad na sampu sa Paaralang Simbahan ng Gori. Karaniwang nakalaan para sa mga anak ng klero, tiniyak ni Charkviani na matatanggap si Soso sa pamamagitan ng pagsabi na anak siya ng diakono; maaaring dahilan ito kung bakit inihayag ni Stalin noong 1934 na anak siya ng pari. Bagama't mahirap si Keke, sinigurado niyang maayos ang pananamit ng kanyang anak kapag pumasok siya sa eskwelahan, malamang sa tulong pinansyal ng mga kaibigan. Nang siya'y bata pa ay nagpakita si Stalin ng iba't ibang katangi-tanging ugali; kapag masaya, tumatalon siya sa isang paa habang nilalagutok ang kanyang mga daliri at sumisigaw ng malakas. Mahusay siya sa akademika at nagpakita ng talento sa pagpipinta at mga klaseng pandrama. Nagsimula siyang magsulat ng panulaan, at naging tagahanga ng mga gawa ng nasyonalistang Heorhiyano na si Raphael Eristavi. Isa rin siyang mang-aawit sa koro na kung minsa'y kumakanta sa simbahan at mga lokal na kasalan. Naalala ng isang kaibigan noong bata pa si Stalin na siya ang "pinakamahusay ngunit pinakamakulit din na mag-aaral" sa klase. Bumuo si Ioseb at ng kanyang mga kaibigan ng pangkat o gang at madalas makipag-away sa iba pang bata. Nagdulot siya ng maraming kalokohan; iilang ulat ang nagsabi na sa isang insidente ay nag-apoy siya ng mga eksplosibong kartutso sa tindahan, at sa isa pa ay nagtali siya ng kawali sa buntot ng alagang pusa ng babae.

Rebolusyonaryong aktibidad at pag-akyat sa kapangyarihan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pumasok si Stalin sa Seminaryong Pang-teolohiya ng Tiflis bago sumali sa Marxistang Partido Sosyal-Demokratiko ng Manggagawa ng Rusya. Lumikom siya ng pondo para sa paksyong Bolshevik ni Vladimir Lenin sa pamamagitan ng pagnanakaw, panunubos sa pagkidnap, mga raket sa proteksyon, at pinatnugot ang pahayagan ng partido, ang Pravda. Paulit-ulit siyang naaresto at internal na pinatapon sa Siberya. Pakatapos samsamin ang kapangyarihan noong Himagsikang Oktubre ng 1917 at itinatag ang isang estadong may iisang partido sa ilalim ng Partido Komunista, sumali si Stalin sa namamahalang Politburo nito. Nagsilbi sa Digmaang Sibil sa Rusya bago pangasiwaan ang pagkakatatag ng Unyong Sobyetiko noong 1922, naluklok siya bilang pinuno ng bansa kasunod ng pagkamatay ni Lenin noong 1924. Sa ilalim ni Stalin, naging sentral ang "sosyalismo sa isang bansa" na doktrina ng ideolohiya ng partido. Bilang resulta ng Limang-Taon na Plano, mula 1928, sumailalim ang bansa sa kolektibisasyon ng agrikultura at mabilis na industralisasyon, na nakalikha ng isang sentralisadong ekonomiya. Nakapag-ambag ang matinding pagkagambala sa produksyon ng pagkain sa malaking taggutom noong 1930–33, kabilang ang Holodomor sa Ukranya at ang Asharshylyk sa Kazakhstan. Upang lipulin ang mga idineklera niyang "kaaway ng uring manggagawa", sa pagitan ng 1936 at 1938. isinagawa ni Stalin ang Malaking Pagpupurga, kung saan higit sa milyong tao ang napunta sa piitan, karamihan sa sistemang Gulag ng mga kampo ng puwersang pagtatrabaho, at hindi bababa sa 700,000 ang binitay. Sa pagdating ng 1937, nagkaroon ng buong kontrol si Stalin sa buong partido at pamahalaan.

Ang kalusugan ni Stalin ay unti-unting lumala patungo sa katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagdusa siya sa aterosklorosis dahil sa matinding paninigarilyo, isang katamtamang istrok noong panahon ng Parada ng Tagumpay, at isang matinding atake sa puso naman noong Oktubre 1945.

Ideolohikong paniniwala at impluwensya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Binanggit ni Stalin na tinanghal niya ang Marxismo sa murang edad na labinlima, at ito ang nagsilbing pilosopiyang gabay niya sa kanyang pagtanda. Ayon kay Kotkin, nagkaroon si Stalin ng "masigasig na Marxistang pananalig", dagdag ni Montefiore na nagtaglay ito ng "kuwasi-relihiyoso" na halaga para sa kanya. Bagama't hindi naging nasyonalistang Heorhiyano, nahalo ang pagkamakabansa sa kanyang naunang Marxistang pananaw. Sinabi ng mananalaysay na Amerikano na si Alfred J. Rieber na lumaki siya sa isang lipunan kung saan "ang pagrerebelde ay malalim na nakaugat sa mga alamat at sikat na ritwal". Naniniwala si Stalin sa pangangailangang iakma ang Marxismo sa nagbabagong panahon; noong 1917, ipinahayag niya na "may dogmatikong Marxismo at mayroong malikhaing Marxismo. Tumitindig ako sa kasunod". Iminungkahi ni Volkogonov na hinubog ang kanyang Marxismo ng "dogmatikong mentalidad", na nakuha niya sa pag-aaral sa mga institusyong panrelihiyon. Ipinahiwatig ng iskolar na Britaniko na si Robert Service na ang kaunting inobasyon ni Stalin sa ideolohiya ay "krudo, kahina-hinalang pag-unlad sa Marxismo" mula sa pampolitikang kapakinabangan sa halip na anumang tapat na kompromisong intelektuwal; gayunpaman, madalas siyang bumaling sa ideolohiya upang bigyang-katuwiran ang kanyang mga desisyon. Tinukoy ni Stalin ang kanyang sarili bilang isang praktiko, o mas higit na rebolusyonaryong praktikal kaysa teoretikal.

Dakilang Stalin, isang pampropagandang poster sa Unyong Sobyetiko na pinupuri si Iosif Stalin. Siya ang namahala ng Unyong Sobyetiko mula sa pagkamatay ni Vladimir Lenin.

Ang Stalinismo ay interpretasyong ideolohikal ng Marxismo–Leninismo at pamamagitan ng pamamahala na ipinatupad ni Joseph Stalin sa Unyong Sobyetiko. Ang lihim na kasaysayan ng mga panahong iyon ay nilalaman sa Mga Arkibong Mitrokin.[2] Si Lazar Kaganovich, isang politikong Sobyet, ang umimbento ng katagang ito.

De-Stalinisasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang De-Stalinization (Ruso: десталинизация, romanisado: destalinizatsiya) ay binubuo ng isang serye ng repormang pampolitika sa Unyong Sobyetiko pagkatapos ng pagkamatay ni Joseph Stalin noong 1953, at ang paglusaw ng nagdulot ng pag-akyat ni Nikita Khrushchev sa kapangyarihan,[3] at sa kanyang lihim na talumpati noong 1956 na "Sa Kulto ng Personalidad at ang Kahihitnan nito", na tinuligsa ang kulto ng personalidad ni Stalin at ang sistemang pampolitika ni Stalin.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Service, Robert (2004). Stalin: A Biography. Londres: Macmillan. ISBN 978-0-333-72627-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Christopher Andrew. "The Sword and the Shield: The Mitrokhin Archive and the secret history of the KGB". The New York Times.
  3. Hunt, Michael H. (2015). The world transformed: 1945 to the present (sa wikang Ingles). Oxford University Press. p. 153. ISBN 978-0-19-937102-0. OCLC 907585907.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
pFad - Phonifier reborn

Pfad - The Proxy pFad of © 2024 Garber Painting. All rights reserved.

Note: This service is not intended for secure transactions such as banking, social media, email, or purchasing. Use at your own risk. We assume no liability whatsoever for broken pages.


Alternative Proxies:

Alternative Proxy

pFad Proxy

pFad v3 Proxy

pFad v4 Proxy