Pumunta sa nilalaman

Pamantasan ng Lungsod ng Maynila

Mga koordinado: 14°35′12″N 120°58′33″E / 14.586620°N 120.975792°E / 14.586620; 120.975792
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
University of the City of Manila
Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
SawikainKarunungan, Kaunlaran, Kadakilaan
Sawikain sa Ingles"Wisdom, Prosperity, Honor"
Itinatag noong19 Hunyo 1965; 59 taon na'ng nakalipas (1965-06-19)
UriPublic, Local university
Apilasyong relihiyonASAIHL, IAU, ALCU
PanguloDr. Ma. Leonora V. de Jesus
Academikong kawani2,000[1]
Mag-aaral13,000
Mga undergradweyt12,000
Posgradwayt1,000
Lokasyon,
14°35′12″N 120°58′33″E / 14.586620°N 120.975792°E / 14.586620; 120.975792
Kampus30,000 square metre (3.0 ha)[1]
HymnPamantasang Mahal (Beloved University)
KulayGold, White, Blue, Red, and Green                     
PalayawPLM
Websaytplm.edu.ph

Ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), o University of the City of Manila sa Ingles, ay isang pampublikong pamantasan na pinatatakbo ng Pamahalaang lungsod ng Maynila. Ito ang pinakauna at pinakamalaking pamantasan na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas. Bukod dito, ito rin ang pinakaunang libreng paaralang pang-kolehiyo[2] sa bansa at siya ring kauna-unahang pamantasan na gumamit ng opisyal na pangalan sa Wikang Filipino sa buong daigdig.[3]

Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), matatawag na sentro ng kahusayan ang marami sa programa at departamento sa PLM.[4] Itinuturing din ng naturang Komisyon ang PLM bilang huwaran ng lahat ng mga institusyong pang-edukasyon na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan sa bansa.[4][5]

Sa pananaw at pagtatala ng Professional Regulation Commission (PRC), ang PLM ay kabilang sa limang nangugunang pamantasan sa Pilipinas sa larangan ng pagsusulit na ibinibigay ng Lupon.[5][6] Isa lamang ang PLM sa tatlong pampublikong pamantasan na napabilang sa talaan ng nangungunang sampung pamantasan sa parehong kategorya. Ang PLM ay siya ring pinakabatang pamantasan na napabilang sa nasabing listahan ng mga namamayagpag na pamantasan sa bansa.

Kamakailan, nabanggit mismo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkakaroon ng kultura ng kahusayan sa PLM, maging ang pamamayagpag nito sa iba't ibang larangan.[7]

Ang mga nagsipagtapos sa PLM ay kilala sa tawag na PLMayers.

Ang kinalalagyan ng PLM Main Campus ay ang dating kinatitirikan ng Kolehiyo Maximo ng San Ignacio (kilala rin sa tawag na Kolehiyo ng Maynila) na siyang itinatag noong 1590 ni Fr. Antonio Sedeño, S.J. Pormal na binuksan ang Kolehiyo Maximo ng San Ignacio noong 1595, at ito ang siyang pinakaunang paaralan sa Pilipinas. (Paalala: Ang mga institusyong ito ay hindi ang PLM sa kasalukuyan).

Maliban sa kolehiyo, may iba pang estruktura ang itinatag sa lugar. Ang Iglesya ng Santa Ana, ang kauna-unahang simbahang bato sa Pilipinas, ay itinayo rito noong 1590 at nagbukas noong 1596. Subalit ito ay nasira ng lindol, at isa pang simbahan ang itinayo para kay San Ignacio ng Loyola noong 1626.

Noong 1601, ang Kolehiyo ng San José ay itinatag bilang karugtong ng Kolehiyo Maximo ng San Ignacio. Makalipas ang dalawampung taon, binigyang-permiso ni Papa Gregoryo XV, sa pamamagitan ng Arsobispo ng Maynila, ang Kolehiyo Maximo ng San Ignacio na gumawad ng mga kursong teolohiya at sining, at itinaas ito bilang unibersidad. Noong 1623, kinumpirma ni Haring Felipe IV Espanya ang otorisasyon na nagtatalaga sa paaralan bilang pontifical at royal university. Dahil dito, itinuturing na ang Unibersidad ng Maximo San Ignacio ang pinakaunang unibersidad sa Pilipinas at sa kalupaang Asya. Noong 1722, iginawad sa Kolehiyo ng San José ang karangalang matawag na royal patronage.

President Ramon Magsaysay Entrepreneurial Center (PRMEC)

Noong 1768, isinuko ng mga Heswita ang Unibersidad Maximo ng San Ignacio sa Pamahalaang Kastila matapos ang pagpapatalsik sa kanila sa mga nasasakupan ng Espanya. Inilagay sa sekular na pamamahala ang Unibersidad Maximo ng San Ignacio at ito ay ginawang seminaryo at kolehiyo ng liberal na sining. Noong 1773, itinalaga ni Papa Clemente XIV ang pagkakabuwag Society of Jesus, organisasyon ng mga Heswita. Noong 1895, pinag-isa ang Unibersidad Maximo de San Ignacio sa Faculty of Medisina at Parmasya ng Pamantasan ng Santo Tomas. Ang Kolehiyo ng San José naman ay ang San José Major Seminary na pinamamahalaan ngayon ng Pamantasang Ateneo de Manila.

Ang mga Pangulo ng
Pamantasan ng Lungsod ng Maynila

University of the City of Manila
Dr. Benito F. Reyes, 23 Pebrero 1967 – 23 Hunyo 1972
Dr. Consuelo L. Blanco, 21 Disyembre 1972 – 31 Mayo 1978
Dr. Ramon D. Bagatsing, 01 Hunyo 1978 – 27 Oktubre 1982
Dr. Jose D. Villanueva, 14 Enero 1983 – 30 Hunyo 1989
Dr. Benjamin G. Tayabas, 01 Hulyo 1989 – 24 Hunyo 1996
Dr. Virsely dela Cruz, 25 Hunyo 1996 – 30 Abril 1999
Dr. Benjamin G. Tayabas, 24 Pebrero 2000 – Agosto 2007
Atty. Jose M. Roy III, 23 Pebrero 2006 – 01 Hunyo 2006
Atty. Adel A. Tamano, 04 Agosto 2007 – 30 Nobyembre 2009
Atty. Rafaelito M. Garayblas (Officer-in-Charge), 1 Disyembre 2009 – Kasalukuyan

Ang mga gusali ng Universidad Maximo de San Ignacio ay ginawang pugad ng mga militar na tinawag na Cuartel del Rey hanggang sa ito ay ginawang Cuartel de España. Dito sa lugar na ito nilitis si José Rizal sa kasong sedisyon noong 26 Disyembre 1896. Noong panahon ng mga Amerikano, ang mga gusali ay ginawang kampo ng Ika-31 Pulutong ng mga Sundalo ng Estados Unidos hanggang 1941. Nawasak ang mga gusaling ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong 13 Enero 1960, sa pamamagitan ng pamumuno ni Alkaldeng Arsenio H. Lacson ay naaprubahan ang Ordinasa Blg. 4202 na nagtatalaga ng 1 milyong piso para sa konstruksiyon ng isang unibersidad. Subalit ito ay naisakatuparan lamang noong panahon ni Alkaldeng Antonio de Jesus Villegas na siyang nanungkulan ng pumanaw si Alkaldeng Lacson.

Noong 13 Pebrero 1963, pinagtibay ni Alkaldeng Villegas ang Ordinansang Ehekutibo Blg. 7 s-1963 na nagtatalaga ng komite na mamumuno sa pagpaplano at implementasyon ng layunin ng lungsod na magtatag ng sariling unibersidad. Ang komiteng nabanggit ay pinamunuan ni Dr. Benito F. Reyes, at ang mga miyembro nito ay sina Gabriel Formoso, Leoncio Monzon, Alfredo Morales, Vicente Albano Pacis, Jose S. Roldan, Carlos Moran Sison, at kabilang din si Atty. Primitivo de Leon na nagsilbing kalihim.

Ang Monumentong Pilak ni Pangulong Diosdado Macapagal sa loob ng PLM Main Campus.

Upang maisakatuparan sa lalong madaling panahon ang pagnanais ng pamahalaang panglungsod na makapagpatayo ng unibersidad, humingi ng tulong si Alkaldeng Villegas sa Kongresistang si Justo Albert ng ika-4 na distrito ng Maynila na siyang nagsilbing awtor ng Batas Kongreso Blg. 8349 na nairatipika ng Kapulungan ng mga Kinatawan noong 1964. Samantala, pinangunahan naman ng mga Senador na sina Gil Puyat at Camilo Osias ang pagpasa ng kanilang sariling bersyon ng nasabing batas sa Senado. Noong 25 Enero 1965, sa ika-4 na sesyon ng Ika-5 Kongreso ng Pilipinas, ay dininig ang batas na produkto ng pinagsanib na dalawang panukala ng Mababang Kapulungan at Senado. Ang pinag-isang batas ay naipasa ng buong Kongreso at ito ay pinirmahan ng noo'y Pangulo ng Senado na si Ferdinand E. Marcos at Tagapagsalita ng Kongreso na si Cornelio T. Villareal.

Sa pamamagitan ng Proklamasyon 392-A ay ipinagkaloob ng dating Pangulong Diosdado Macapagal noong 24 Abril 1965 ang tatlong ektaryang lupain na dating kinalalagyan ng Mataas na Paaralan ng Maynila bilang lugar kung saan itatayo ang PLM.[7] Ayon sa Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, pinili mismo ng kanyang ama ang lugar na kinatitirikan ng PLM campus sa Intramuros sapagkat likas na makasaysayan ang nabanggit na lugar. Dagdag pa niya na dito sa lugar na ito ginugol ng tatlong pangulo ng Pilipinas na sina Jose P. Laurel, Manuel Roxas, at Elpidio Quirino ang kanilang edukasyong-pangsekundarya. Dito rin nag-aral sa kanilang kabataas ang Ispikir at Punong Magistrado na si Jose Yulo at ang bayaning si Heneral Basilio Valdes.[7]

Noong 19 Hunyo 1965, sa anibersaryo ng kaarawan ng Pambansang Bayaning si Jose Rizal,[7] itinatag ang PLM sa pamamagitan ng Batas Kongreso Blg. 8349, na nang lumao'y naging Batas Pambansa Blg. 4196 (ngayon ay "University Charter"), na pinirmahan ng Pangulong Diosdado Macapagal.

Ang Lupon ng mga Rehente na siyang namamahala sa unibersidad ay pormal na binuo ni Alkalde Villegas noong 09 Enero 1967. Si Dr. Benito F. Reyes ang siyang napili bilang kauna-unahang pangulo ng unibersidad noong Pebrero 23 ng parehong taon.

Nagbukas ang PLM noong 17 Hulyo 1967 sa 556 estudyante na nabibilang sa unang sampung bahagdan o "top 10%" ng mga nagsipagtapos sa noo'y 29 na pampublikong eskuwelahang sekundarya ng Maynila.[3]

Noong 1997, dahil sa mga pagbabago sa kapulungan sa PLM, itinatag ang Sangay ng Serbisyong Pangkalusugan sa Komunidad, na ngayo'y nagsisilbing mahalagang bahagi ng PLM Open University. Sa pamamagitan ng Sangay na ito at ng Integrated Midwives Association of the Philippines (IMAP) ay pinasimulan ng Open University ang Batsilyer sa Agham ng Serbisyong Pangkalusugan sa Komunidad na naglalayong itaas ang kalidad ng serbisyo at antas ng mga komadrona at iba pang propesyong paramedikal sa bansa.[8]

Itinaguyod ni Senador Francis Pangilinan noong 15 Enero 2002 ang Batas Senado Blg. 1967 o ang batas na nagaamyenda sa ilang probisyon ng Batas Pambansa Blg. 4196, na kasalukuyan pa ring nasa proceso upang maging ganap na batas. Ang batas na ito ay naglalayong magtalaga ng isang estudyante na kakatawan sa Lupon ng mga Rehente ng PLM at siya ring hakbang upang lalong pag-ibayuhin ang partisipasyon ng mga kabataan sa pagpapalakas ng bansa.

Tradisyon, sinyal at iba pang simbolo

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ilan sa mga elementong makikita sa opisyal na selyo ng pamantasan Kaliwa pakanan: ang lumang librong Tagalog, ang usbong ng halamang nilad, ang scroll, ang atomo, at ang sulo.

Ang Dakilang Selyo ng PLM ay hugis-araw na isang disenyo na binubuo ng gitnang bilog na may labing apat na sinag na siyang kumakatawan sa orihinal na distritong pang geograpiya ng Lungsod ng Maynila - Binondo, Quiapo, Sampaloc, San Miguel, San Nicolas, Santa Cruz, Santa Mesa, Tondo, Ermita, Intramuros, Malate, Paco, Pandacan, Port Area, San Andres Bukid at Santa Ana. Ang gitnang bilog ay nahahati sa apat na bahagi; sa bahaging itaas ay naroon ang kulay pula sa gawing kanan at kulay puti sa kaliwa nito, samantalang sa bahaging ibaba naman ay makikita ang kulay bughaw sa kaliwa at puti sa bandang kanan. Nakapaloob sa mga kulay na ito ang sinaunang araw na siyang kumakatawan sa sa katotohanan at ilaw; usbong ng halamang nilad na siyang sinasabing pinagmulan ng pangalan ng Lungsod ng Maynila; lumang librong Tagalog na karunungan at kultura; sulo na siyang sumisimbolo sa kaalaman; at, atomo na siyang nagpapahiwatig ng pagsulong ng teknolohiya.

Bandila ng PLM

Ang Bandila ng PLM ay binubuo ng tatlong kulay - pula na siyang nasa malaking bahagi sa gitna ng bandila, dilaw na makikita sa pinakaitaas at saka sa pinakamababang bahagi at bughaw na nasa gilid sa gawing kanan. Sa gitna ng kulay pulang bahagi nakalagay ang Dakilang Selyo ng PLM. Ang bandaling ito ay kadalasang makikita sa mga opisyal na pagtitipon at iba pang espesyal na okasyon kasama ng Watawat ng Pilipinas.

Bandila ng PLM Kulay sa Web
COLOR NAME English (Tagalog) HTML code
Flag Red (Watawat - Pula) #FF0000
Flag Yellow (Watawat - Dilaw) #FFFF00
Flag Blue(Watawat - Bughaw) #0000FF
  1. 1.0 1.1 On hallowed ground Naka-arkibo 2009-09-20 sa Wayback Machine.
  2. Opisyal na Pahina sa Web ni Alfredo Lim Naka-arkibo 2009-03-21 sa Wayback Machine.. Sinaliksik noong 07 Marso 2009.
  3. 3.0 3.1 "Video phone inimbento ng Pinoy Naka-arkibo 2016-03-04 sa Wayback Machine.". Abante Tonite Online. 03 Abril 2006. Sinaliksik noong 12 Pebrero 2009.
  4. 4.0 4.1 "Education first policy itinulak ni Atty. Tamano Naka-arkibo 2008-06-10 sa Wayback Machine.". Abante Tonite Online. 07 Hunyo 2008. Sinaliksik noong 12 Pebrero 2009.
  5. 5.0 5.1 "Where Manila goes, the nation goes[patay na link]. The Philippine Star. 27 Pebrero 2009.
  6. Maceda, Ernest."Adel ng Pamantasan[patay na link]". The Philippine Star. 01 Pebrero 2008.
  7. 7.0 7.1 7.2 7.3 Talumpati ni Pangulong Arroyo noong Pinasinayaan ang Monumento at Parke para sa Pangulong Diosdado Macapagal Naka-arkibo 2009-02-25 sa Wayback Machine.. 08 Nobyembre 2001. Sinaliksik noong 12 Pebrero 2009.
  8. Ang Tunay na Professional. The Filipino Midwife. Sinaliksik noong 16 Pebrero 2009.

Mga Kawil Panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]
pFad - Phonifier reborn

Pfad - The Proxy pFad of © 2024 Garber Painting. All rights reserved.

Note: This service is not intended for secure transactions such as banking, social media, email, or purchasing. Use at your own risk. We assume no liability whatsoever for broken pages.


Alternative Proxies:

Alternative Proxy

pFad Proxy

pFad v3 Proxy

pFad v4 Proxy