Sirena
Sa alamat, ang isang sirena ay isang nilalang pantubig na may ulo at pantaas na bahagi ng katawan ng isang babaeng tao at buntot ng isang isda.[1] Lumilitaw ang mga sirena sa mga alamat ng maraming mga kalinangan sa buong sanlibutan, kabilang ang Malapit na Silangan, Europa, Asya at Aprika. Lumabas ang unang mga kuwento tungkol sa sirena sa sinaunang Asiria, kung saan pinalitan ang sariling anyo ng diyosang si Atargatis sa isang sirena dahil sa kahihiyaan nang hindi sadyang pagpatay sa kanyang kasintahan, na isang mortal na tao. Kadalasang naiuugnay ang mga sirena sa mga mapanganib na mga kaganapan tulad ng mga baha, unos, pagkawasak ng bapor, at pagkalunod. Sa ibang mga katutubong tradisyon (o minsan sa loob ng parehong tradisyon), maaring mabait o mapagbigay sila na nagagawad ng pagpapala o umiibig sa mga tao.
Sireno ang lalaking katumbas ng sirena, na isa rin na pamilyar na katauhan sa alamat at heraldika. Bagaman kakaunti lamang ang tradisyon at mga pagpapakita ng sireno kumpara sa sirena, pangkalahatan silang inaakalang kasama ng kanilang babaeng katumbas.
Ilan sa mga katangian ng mga sirena ay maaring naimpluwensiyahan ng mga Sirena sa mitolohiyang Griyego. Ang mga makasaysayang pagsasalaysay tungkol sa mga sirena, tulad ng mga inulat ni Christopher Columbus noong panahon ng paggalugad ng Karibe, ay maaring naimpluwensiyahan ng mga manatee at mga ibang katulad na pantubig na mga mamalya. Habang walang katibayan sa labas ng alamat ang mga sirena, patuloy pa rin ang mga ulat tungkol sa pagpapakita ng mga sirena hanggang sa ngayon, kabilang ang mga ika-21 siglong mga halimbawa mula sa Israel at Zimbabwe.
Naging tanyag na paksa ang mga sirena sa sining at literatura sa kamakailan-lamang mga siglo, tulad ng kilalang kuwentong-engkanto ni Hans Christian Andersen na "The Little Mermaid" (1836). Hinalaw ang mga ito sa mga opera, pinta, aklat, pelikula at komiks.