Talulot
Ang mga talulot (Ingles: petal) ay ang nabagong mga dahong nakapaligid sa mga bahaging pangreproduksiyon ng mga bulaklak. Ang mga ito ay kadalasang may matitingkad na mga kulay o mayroong hindi pangkaraniwang hugis na nakakaakit ng mga polinador o mambubulo (mga naghahasik ng bulo ng bulaklak. Sa pagsasama-sama, ang lahat ng mga talulot ng isang bulaklak ay tinatawag na isang korola (corolla sa Ingles). Ang mga talulot ay karaniwang nasasamahan ng isa pang pangkat ng mga natatanging mga dahong tinatawag na mga sepal na nakahimlay sa ilalim lamang ng korola. Kapag magkahawig ang mga talulot at mga sepal ng isang bulaklak, tinatawag ang mga ito bilang mga tepal. Halimbawa ng mga halaman na pinaggagamitan ng katagang tepal ay angkop na kinabibilangan ng mga saring katulad ng Aloe at ng Tulipa. Sa kabaligtaran, ang saring katulad ng Rosas at Phaseolus ay mayroong lantad ang pagkakaiba ng mga sepal at ng mga talulot.