Science 6 Exam
Science 6 Exam
Department of Education
Caraga Region
Division of Agusan del Sur
ESPERANZA DISTRICT IV
Piliin sa hanay B ang kahulugan ng salitang nakahilig sa hanay A. Isulat ang letra ng tamang sagot sa
patlang bago ang bilang.
Hanay A Hanay B
1. Masaya ang “tipar” kina Jun kagabi a. ama/itay
2. May sakit si “erpat” kaya’t kailangan b. sigarilyo
Kong bantayan.
3. “Dehins” ako nakarating. c. handaan
4. Sinita pa ako ng “lespu” sa may d. hindi
Kanto pag-uwi.
5. Palitan mo na kasi iyang “tsekot” mo pare e. inay, ina
6. Wala pa akong “datong”, pare f. kapatid
7. “Bagets” ka pa naman. Mag ipon ka na lang muna g. kotse
8. Pangarap ko iyan bago ako “magurang” h. matanda
9. Uwi muna ako. Tumatawag si “ermat” i. pulis
10. Masama ang epekto ng “yosi” kaya’t tumigil j. bata pa
na ako
Prepared by:
ARDEN ROSE L. NADA
Filipino 7 Teacher
Ang Munting Ibon
Isang Kuwentong-Bayan ng Maranao
‘Upang mapagtibay ang relasyon sa kapwa, maging magalang, matapat, at Mabuti ka.’
Noong unang panahon, may mag-asawang naninirahan sa malayong bayan ng Agamaniyog. Sila
sina Lokes a Babay at Lokes a Mama. Pangangaso ang ikinabubuhay ng mag-asawa subalit hindi lang
ang lalaking si Lokes a Mama ang nangangaso kundi maging ang kaniyang maybahay na si Lokes a
Babay. Bago sumapit ang talipsilim ay inilagay na ng mag-asawa ang kani-kanilang bitag sa gubat at
ang mga ito’y kanilang binalikan sa madaling araw.
Isang gabi, habang mahimbing sa pagtulog si Lokes a Babay ay dahan-dahang lumabas ng
bahay si Lokes a Mama upang tingnan ang kanilang mga bitag. Anong laking gulat niya nang
makitang ang kaniyang bitag na nakasabit sa puno ay nakahuli ng isang munting ibon samantalang
ang bitag ng kaniyang asawang nasa lupa sa tabi ng ugat ng isang malaking puno ay nakahuli ng
isang malusog na usa. “Hmmm, hindi maaari ito,” ang sabi ni Lokes a Mama sa sarili. “Matabang usa
ang nahuli ng bitag niya samantalang ang sa aki’y isang munting ibon lang ang nadali. Alam ko na.
Pagpapalitin ko ang mga hayop na nahuli ng aming mga bitag,” ang nakangising wika ni Lokes a
Mama habang inilipat ang usa sa kaniyang bitag at saka itinali ang ibon sa bitag ng asawa. Umuwi si
Lokes a Mama nang nasiyahan sa kaniyang ginawa kahit alam niyang isang panloloko ito sa kaniyang
asawa.
Kinabukasan, maagang ginising ni Lokes a Mama ang asawa. Gusto niya kasing sabay silang
magtungo sa kagubatan upang sabay ring Makita ang mga huli ng kani-kanilang mga bitag. Gulat na
gulat si Lokes a Babay nang Makita ang matabang using nakasabit sa bitag ng asawang nasa itaas ng
puno samantalang ang kaniyang bitag na nasa tabi ng puno ay nakahuli lang ng isang maliit na ibon.
Ipinagtaka niya kung paanong ang bitag na nasa itaas ng puno ang nakahuli ng isang usa, subalit
hindi na lang siya kumibo. Sa halip, iniuwi niya ang munting ibon at inilagay ito sa isang hawla.
Samantalang, iniuwi naman ni Lokes a Mama ang kaniyang huli at saka iniluto. Umamoy sa
kapaligiran ang nakagutom na amoy ng nilutong usa subalit nang handa na’y agad itong nilantakan
ng lalaki nang hindi man lang nag-alok sa kaniyang asawa. Mag-isa niyang kinain ang buong usa sa
loob ng tatlong araw kahit alam niyang gusto rin ito ng kaniyang asawa. Isa pa’y ang bitag ang bitag
naman talaga ni Lokes a Babay ang totoong nakahuli sa usa. Likas siyang maramot at walang
pagpapahalaga sa asawa kaya hanggang sa maubos ang usa ay hindi niya binigyan si Lokes a Babay
na nanatiling walang kibo sa kabila ng ginawa ng asawa.
Nang naubos niya ang nilutong usa ay muling niyaya ni Lokes a Mama ang asawa. “Gusto ko
uling makatikim ng matabang usa. Halika, maglagay tayong muli ng bitag sa gubat,” ang kaniyang
paanyaya sa asawa. Muli, naglagay ang dalawa ng kani-kanilang mga bitag. Subalit hindi marunong
umakyat ng puno si Lokes a Babay at dahil hindi man lang siya tinulungan ni Lokes a Mama ay
inilaagay na lang niyang muli ang kaniyang bitag sa tabi ng puno kung saan siya dating naglagay.
Hatinggabi nang mamalayan ni Lokes a Babay ang kaniyang asawang bumangon at dahan-
dahang lumabas ng pinto. Nagkunwari siyang tulog. Matalinong babae si Lokes a Babay at nahulaan
niya ang ginawa ng asawa. Subalit wala siyang intensyong sundan ito. “Alam kong niloloko mo lang
ako, pero hindi kita papatulan”, ang tahimik niyang naibulong sa sarili at saka niya pinilit makatulog
kahit pa siya’y nagdaramdam sa ginawang pagtrato sa kaniya ng asawa.
Nang siya’y makatulog ay nanaginip siya. Napanaginipan niyang pinakakain daw niya ng palay
ang kaniyang alaga at anong laking gulat niya nang nangitlog ito ng isang montias o isang
mamahaling hiyas.
Nagising na lang siya dahil tinatawag na pala siya ni Lokes a Mama para tingnan ang kanilang
mga bitag. Subalit wala na siyang interes sa bitag. “Ikaw na lang ang pumunta,” ang sabi niya sa
asawa. “Masakit ang ulo ko at mas gusto ko pang magpahinga na lang.” ang dugtong pa niya.
“Bahala ka. Basta’t pag may nahuli ako ay hindi ulit kita bibigyan. Kaniya-kaniya tayo,” ang sabi ni
Lokes a Mama habang pababa ng hagdan. Hindi sumagot si Lokes a Babay. Sanay na siya sa
pagiging tuso at maramot ng kaniyang asawa. Wala rin itong pagpapahalaga sa kaniya at hindi niya
naramdamang mahal siya nito.
Pagkaalis ng kaniyang asawa ay agad niyang pinuntahan ang kaniyang munting ibon. Kumuha
siya ng palay at ipinatuka sa ibon. Gayon na lang ang kaniyang panggigilalas nang makitang
pagkalunok nito sa palay ay biglang nangitlog ng isang maningning na diyamante ang ibon.
Dinampot niya ang diyamante. “Mayaman na ako! Mayaman na ako!” ang paulit-ulit niyang sabi sa
sarili habang itinago ang mamahaling bato.
Tulad ng dati, pag-uwi ng kaniyang asawa ay iniluto nito ang kaniyang huli at mag-isang kumain
nang hindi man lang nag-alok. Subalit hindi na ito pinansin ni Lokes a Babay. Sa halip ay masaya
siyang humuni ng paborito niyang himig habang gumawa sa bahay na labis naming ipinagtaka ng
kaniyang asawa.
Araw-araw nga, pagkaalis ng kaniyang asawa upang kunin ang anumang nahuli ng kanilang
bitag ay pinakain naman niya ng palay ang ibon at saka nag-abang sa labas nitong diyamante.
Walang kamalay-malay si Lokes a Mama na marami na palang naipong diyamante si Lokes a Babay.
Isang araw, habang mag-isa na naming kinain ni Lokes a Mama ang kaniyang inilutong huli ay
nagsalita si Lokes a Babay. “Hindi ko na matiis ang pakikitungo mo sa akin. Alam ko na ang ginawa
mong panloloko sa akin. Bukod pa riyan hindi ko na rin kayang tiisin ang pagiging maramot mo at
kawalan mo ng pagpapahalaga sa akin,” ang buong kapaitan niyang sabi sa asawa na hindi man lang
tumingala mula sa pagngasab sa niluto niyang ligaw na pato. “Payag na ako sa dati mo pang
sinabing pakikipaghiwalay sa akin. Magmula ngayon, lilipat na ako ng tirahan at hindi na kita
aabalahin subalit huwag na huwag mon a rin akong aabalahain.” Ang pangwakas na sabi ni Lokes a
Babay.
Medyo nakonsensya naman ang lalaki dahil totoong lahat ang sinabi sa kaniya ng asawa. Pero
ito na ang pinakahihintay niyang pagkakataon. Ngayon ay Malaya na siya. Matagal na niyang sinabi
kay Lokes a Babay na gusto niyang makipaghiwalay subalit hindi ito pumayag. Ngayon ay heto at
pumayag na siya sa kaniyang kagustuhan.
Nag-impake si Lokes a Babay ng kaniyang mga gamit habang dala ang pinakamamahal niyang
ibon at umalis siya ng bahay. Naiwan naman si Lokes a Mama at ipinagpatuloy lang ang kaniyang
pangangaso.
Samantala si Lokes a Babay ay bumili ng isang malawak na lupain at nagpatayo ng isang
torogan o malapalasyong tahanan. Kumuha siya ng mga guwardiya at mga katulong na magsisilbi sa
kaniya. Naging maayos at masagana ang kaniyang pamumuhay. Nabalitaan ni Lokes a Mama ang
nakapagandang kalagayan sa buhay ng kaniyang dating asawa kaya’t muli siyang nagplano.
“Babalikan ko si Lokes a Babay para makasalo rin ako sa kaniyang kayamanan. Hindi ko alam
kung saan niya kinuha ang kaniyang kayamanan subalit dapat lang na makinabang din ako,” ang sabi
sa sarili ng tusong lalaki.
Subalit napaghandaan na pala ito ni Lokes a Babay. Kilala niya kasi ang pagiging tuso at
manlolokong asawa kaya’t pinabilinan niya ang kaniyang mga guwardiya na huwag na huwag itong
palalapitin man lang sa kaniyang magarang tahanan. Kahit anong gawin ni Lokes a Mama ay hindi na
nagpaloko sa kaniya ang asawa.
At magmula noon, namuhay sa bayan ng Agamaniyog si Lokes a Babay nang maligaya,
masagana at payapa.
(Mula sa Pinagyamang Pluma 7, pp.9-12)